6.8.13

Mga Panandang Pangsalitaan

Isa sa mga natutunan ko sa aking pagsusulat at pamamatnugot ay iyong salitang 'moderasyon'. Lahat ng bagay, maging iyong mga tuntuning pangteknikal na sinusunod natin ay dapat gawin nang katamtaman. Nawawala kasi ng kalayaan ang ating pagiging malikhain kapag nakakulong tayo sa isang ayos. 

Parang sa pagkain lang, kung pulos prito ang luto sa isda, mauumay tayo. Kailangan may pagkakaiba-iba din. Minsan, paksiw naman o kaya pinangat, inihaw, bago babalik uli sa prito. (Ayan, nagugutom na ako.) 

Sa mga nobelang sinusulat natin, hindi gaanong importante ang paggamit ng dialogue tags. Gayunpaman, pihadong makikintal sa isip ng inyong mga patnugot at mga mambabasa, kung maayos ang pagkakasulat ng nobela ninyo. Pangit kasing tingnan kung tadtad ng 'sabi niya' o 'saad niya' iyong libro natin, nakakapagod ding bigkasin.

Sang-ayon diyan, nais kong imungkahi ang paggamit ng iba pang mga salita kapalit ng karaniwang panandang pangsalitaan (pauso ko lang na salin ng 'dialogue tags') na ginagamit natin. 

Ilan lang ito sa puwede nating ipalit, mayroon pang iba na maaari nating subukang gamitin.

  
TURAN / TUGON - kasing-kahulugan ng "sagot"
MUNGKAHI - suhestyon, suggestion. Hal.: "Try mo kayang iladlad 'yang buhok mo?" mungkahi nito.
UNTAG - pagkuha ng atensyon. Pag tahimik tapos biglang kakausapin ng isang karakter yung isa. Hal.: "So...kumusta ka na?" untag nito.
ASIK /SINGHAL - pagalit ang pagkakasabi. Hal.: "Ano ba!" singhal niya.
SIKMAT - pagalit din, pero hindi kailangang malakas ang tono. Hal.: “Tumigil ka na,” nagtatagis ang mga bagang na asik ng kanyang ama.
SAMBIT - kung maiksi lang. Hal: "Oo," sambit niya.
ANAS - mahina rin ang pagkakasabi. At hindi ko alam kung ako lang, karaniwang ikinakabit ko ito kapag medyo seksi / senswal yung pangungusap o eksena at may kasamang mainit na tingin mula sa nagsalita. Hal: "Beautiful," anas ni Gideon (*tikhim*) habang hinahaplos ang pisngi ng nobya.
DUGTONG - to add; may nauna nang sinabi, karugtong lamang ito.
BANGGIT – to mention. Hal: "Liechtenstein," banggit niya.
IMPORMA – to inform. Hal: “May meeting nga pala tayo sa Thursday,” imporma ni Malou.  
PALIWANAG - kung mahaba at mukha ngang nag-eeksplika ito ng isang punto.   
KUWENTO – to narrate; kung nagsasalaysay 
DEPENSA – to defend
KAILA / TANGGI – to deny. Hal.“Hindi po totoong break na kami,” tanggi ng aktres.
SANG-AYON – to agree. “Oo naman!” sang-ayon ng dalaga.
TAWAG – to call. Hal: “Rose! Rose!” tawag ni Jack. 
BULALAS - to exclaim; malakas ang pagkakasabi, parang nagulat. Hal: "Ay, kabayo!" bulalas niya.
SIGAW / TILI – to shout, scream; may kasama itong tandang pandamdam o exclamation point (!) .
SINGHAP - to gasp; kasabay ng singhap yung dialogue.
SABAD / SABAT – to interrupt

*Mga Tala: 
(1) Maaari ring gamitin ang katumbas na salita sa Ingles para hindi pare-pareho ang tags. 
(2) Hindi natin madalas gamitin sa MSV ang tag na ‘wika niya’. Ang wika kasi ay iyong mismong lengguwahe.
(3) Gaya ng nabanggit ko sa simula nito, moderasyon ang susi. Huwag namang abusuhin ang paggamit ng tags.

Iyan muna sa ngayon. Susubukan kong dagdagan iyan sa susunod na pagkakataon.
Maraming salamat!

6 comments:

  1. Madalas pa naman akong gumamit ng "wika n'ya" or "wika nito", hindi pala tama. Thank you for this info., Little Miss Editor...

    ReplyDelete
  2. Hindi naman sa mali iyong gamitin, hindi lang namin madalas gamitin sa amin sa MSV. :)

    ReplyDelete
  3. Magandang araw po. Maaari po bang malaman kung ano pa po iyong ibang panandang pangsalitaan na pu-puwedeng gamitin - na hindi n'yo pa po nabanggit sa blog na ito? Maraming salamat! :)

    ReplyDelete
  4. Owemm, malaking tulong po sa aking paglalakbay bilang manunulat.

    ReplyDelete
  5. Maraming salamat po sa impormasyong ito! Malaking tulong po ito para sa akin na nag-uumpisa pa lamang bilang isang manunulat.💞

    ReplyDelete
  6. Salamat, I really appreciate this one. Tagal na 'kong naghahanap nito, malaking tulong po.

    ReplyDelete