Madalas napapagpalit-palit ang gamit ng mga salitang ito. Linawin lang natin nang kaunti. :)
HABANG - while, during.
(May dalawang action na nangyayari nang sabay)
Halimbawa:
1. Nagluto muna si Bob habang hinihintay ang pagdating ni Lina.
2. Makapagsulat na lang muna habang walang tanggap na sideline.
3. Nanonood sila ng TV habang nagpapahinga.
HANGGANG - until, up to this certain place, point or period of time
Halimbawa:
1. Naglakad ako mula Trinoma hanggang Muñoz.
2. Bigyan mo ako hanggang sa Linggo, gagawin ko 'yang sirang gripo.
3. Sakay ka ng bus mula diyan sa kanto tapos baba ka ng GMA. Tapos mula doon, mag-jeep ka na lang hanggang SSS.
HANGGA'T - unless, if not.
(Kadalasan ginagamit sa negative)
Halimbawa:
1. Hangga't hindi ko sinasabi, huwag kang hihinto sa pagtakbo.
2. Hindi ka uuwi hangga't hindi mo 'yan natatapos.
3. Ayaw niyang bumangon hangga't walang lutong almusal.
KUNG DI - (pinaiksing 'kung hindi') if not din pero iba ang gamit sa hangga't.
1. Kung di ka sasama, hindi na rin ako sasama.
2. Okay na sana kung di lang siya nuknukan ng yabang.
3. Masaya ngang lumuwas pa-probinsya kung di lang sobrang init ng panahon.
KUNDI - but. Iba ang gamit sa 'pero' dahil karaniwan sa pang-negative statements ito.
Halimbawa:
1. Hindi 'yang juice kundi itong kape.
2. Wala siyang nagawa kundi magmukmok.
3. Mag-a-abroad siya hindi lang para sa mga anak niya, kundi para rin sa kanyang mga magulang at kapatid.
Maliwanag na ba? O mas lalong gumulo? :)
27.6.15
23.6.15
The Most Abused Dialogue Tag
Napansin ko nitong nakakaraan, medyo napaparami ang nakikita kong 'saad niya' sa mga manuscripts. Pakiramdam ko tuloy, kung tao si saad niya, baka nagreklamo na sa DoLE (Department of Labor and Employment) dahil siya lang ang trabaho nang trabaho habang iyong iba, hindi man lang magamit. O baka si sabi niya ang magwelga dahil napalitan na ito bilang most abused dialogue tag.
Isa sa mga pinakaimportanteng rule na natutunan ko sa pagsusulat ay iyong huwag ulit-ulitin ang paggamit ng isang salita (kesyo yung pangalan man iyan or whatever). Sabi ng head editor ko noon, masakit iyon sa mata kapag naparami kaya nakaka-distract.
Na totoo naman. Paano na lang kung bawat linya ng dialogue ay dudugtungan ng 'sabi niya' o 'saad niya,' nakakapagod iyong basahin.
Example:
"Sino ba nagsulat nito?" saad ko.
"Si Louise Dane," saad ni Chen sa akin.
"Nagsusulat pa ba iyon?" saad ko sa kanya.
"Ewan ko lang, Ate," saad ni Chen sa akin.
Ang tigas lang ng kulit, ano? Parang 7,563 times inire ng nanay bago ipinanganak. XD
Anyway, heto ang ilan sa mga maisa-suggest kong puwedeng ipalit sa 'saad niya'.
(Note: mas mabuti kung poproblemahin ninyo ang mga ganitong technical chuchu's pag nasa editing/polishing phase na kayo. Mahirap kung habang nagta-type kayo ng first draft ay panay ang edit ninyo sa tags. Later na lang, pag tapos na ang draft at medyo pakikinisin ninyo na lang yung manuscript. Okay?)
mungkahi
suhestyon
turan
sambit
pahayag
paliwanag
litanya
tanggi
sang-ayon
tutol
himok
bulong
anas
ungol
sigaw
bulyaw
tili
singhal
asik
singasing
tanong
untag
tawag
tukso
Kahit pumili ka lang ng anim diyan tapos pagpalit-palitin mo sa buong MS (sa tamang gamit, ah!), okay na. Puwede ring iba-ibahin. Minsan, pag English iyong sinabi, i-translate mo na lang iyong tag. Puwede ring huwag mong lagyan ng tag at all, kung maliwanag naman reader (sa palagay mo) kung sino ang kausap nino at sino ang nagsabi ng alin.
In the end, ang mahalaga ay maging mas maayos basahin ang nobela mo at madaling intindihin.
PS:
Na-miss ko itong pagba-blog, in fairness! :)
Subscribe to:
Posts (Atom)